Tuesday, May 10, 2011

Ang Bangko ng aking Ina

Natapos ko na rin ang dapat tapusin sa bank of America. Nagpunta ako kanina sa Vermont Branch na kung saan madalas magpunta ang Mama kapag may dapat siyang asikasuhin sa bank of America.

Nagpunta ako hindi para samahan siya para mag-ATM.
Nagpunta akong mag-isa this time. Kaninang hapon. Wala kasi akong pasok. Matagal ko nang gustong asikasuhin ito para matapos na. Nagpunta ako para tapusin at isara na ang account ng Mama sa B of A.

Nilapitan ko ang isang staff/banker doon, si Tony, at inasikaso niya naman agad. Sinabi ko na isasara ko na ang account ng nanay ko dahil namantay na siya noong nakaraang Marso. "I'm sorry to hear that" 'ika niya.

Hiningi niya ang ilan sa mga dokumento para ayusin ito. Death certificate. CA ID ko. Ibinigay ko rin sa kanya ang print out ng Estate form na natatakan ng Notary Public.

Sandali pa'y sinabi niya na kung magkano ang makukuha ko sa account ng nanay ko. Hindi kalakihan.

Habang nangyayari ito, may nararamdaman akong bigat sa loob. Masakit na kirot na parang ayaw bumitaw ng kirot sa dibdib ko. Napakasakit. napakabigat sa loob.

As in literal na mabigat. Para bang may nakapatong na bato sa dalawa mong balikat. Parang may nakadagan sa loob ng baga mo. Mabigat. Mabigat kasi ginagawa ko ito hindi para sa akin kundi para sa nanay ko. Sa kanyang pera ito. Hindi ito kalakihan pero pera niya ito. At kanya ito. Ito na lamang ang nagpapatunay na ito ang mga iilang mga bagay na huli niyang naiwan. Hikahos din ang mama ko. Salat din siya sa pera. Kaya napaka-laking halaga nito para sa kanya para mawala ang mga ito. Para maiwan niya. Sabi ko sa sarili ko: hindi ko ito gagalawin.

Masakit, lalo na sa mga oras na ito, na isinusulat ko. Aaminin ko,.. nangungulila ako.

Kung pwede lang umiyak maya't maya. Dahil nahihirapan na ako. Naaalala ko siya palagi. Lagi siyang laman ng isip ko lalo na sa mga pagkakataong napapag-isa ako. Nami-miss ko ang boses niya. Nami-miss ko ang kakulitan niya. nami-miss ko ang kalinga niya na nakagisnan ko hanggang sa hui niyang hininga.

Ako ang panganay niya.
Na naniniwala akong sa akin niya unang lubos na naramdaman ang tunay na ligaya ng pagiging ina. Naramdaman ko ang mga 'yon dahil nadarama ko ang mga ito noon pa. Iba siyang magpakita ng pagmamahal. Hindi niya ito sinasabi ng madalas. Ipinapakita niya na lamang. Na kung minsan, sa sobrang pagmamahal niya sa 'kin, may tendency siyang maging maramot sa iba. Pinipili niya ang mga taong makakasalamuha ko. Magmula nang ako'y maliit pa, sinasabihan niya ako kung sino ang dapat kong kaibiganin. Inilalayo niya ako sa pahamak.

Hanggang sa mag-asawa na ako. Ito na siguro ang pinaka-malaking pabigat ko sa nanay ko. Dahil hindi niya kasundo si D.


Pero ang bigat.
Nangungulila na ako sa boses niya. nangungulila na ako sa kalinga niya.

Nangungulila ako sa kanya.

Mahal kong ina,... nasa'n ka na?
Kung ako'y karapat-dapat nang sumunod sa 'yo kung sa'n ka man naroroon, gumawa ka ng paraan at isama mo na ko. Nabibigatan at napapagod na rin ako sa mundong ito.