Sunday, June 24, 2012

Birthday Ng Mama Ko Ngayon




Birthday ng Mama ko ngayon.
Maganda sana. Linggo. Napakagandang araw. Siguro kung buhay pa siya, mga ganitong oras ng umaga e matatapos na siyang magbihis, mag-gayak ng napakasimpleng kasuotan, malinis, planchado, mabango. Handang humarap sa Panginoon sa pupuntahan niyang simbahan. Mga ganitong oras na bitbit biya ang kanyang purse na may maliit na bote ng tubog, skyflakes o cookie na nakabalot ng paper napkin at sandwich bag, payong, at buong pusong pag-aalay ng araw sa Panginoon.

Birthday ng Mama ko ngayon. Na kung sana ay susunduin ko siya sa bahay para magsimba ng kasama siya. Aalayan sa siko o sa braso sa kanyang paglalakad. Medyo nirereklamo niya kasi ang tuhod niya noon. Habang naglalakad kami, na ako na nasa tabihan niya, e di maikakaila ang laki ng ini-liit ng Mama. Sa haba ng panahon at mga taong iginugol niya sa pakikibaka sa buhay. Pakikibakang nagmula pa ng siya'y dalaga pa. Maliliit pa kami ng kapatid ko, nakikita ko pa noon kung paano niya kinakalakal ang kahit na anong pamamaraan ng ikabubuhay maipang-dugtong lang sa gagastusin sa bahay. Lahat ng kanyang ginagawa, kalakal man o hindi ay marangal. Maipagmamalaki. Walang-halong pang-gugulang sa kapwa. Kahit bitbitin pa niya ang isang dosenang mabibigat na libro ng Time-Life magmula sa trabaho hanggang sa bahay o kung saan mang lupalop na may bibili nitong mahahalagang aklat, mapa-bus, taxi o tricycle, iraraos niya yon para lang may maipang-dugtong sa kakainin, gagastusin sa bahay.

Hindi naming magkakaptid naramdamang magutom. Dahil kasama ng Papa, dinala yon ng Mama.

Birthday ng Mama ko ngayon.

Ibibili ko siya ng makukulay na bulaklak. Ipagisimba ko siya sa paborito niyang simbahan mamayang hapon. Ikakain ko siya ng paborito niyang bibingka. Ilalabas ko siya at ipagmamaneho para maiba naman ang kanyang nakikita sa araw-araw na nakikita niya sa buhay. Dadalhin ko ang kanayang paboritong panyo, na lagi niyang hawak kapag siya'y nauusukan sa daan, o kung may naamoy na di maganda sa kanyang dinadaanan.

Bibili ako ng maliit na paborito niyang cake.

sixty-seven years old na sana ang Mama.

No comments: